Friday, February 19, 2010

Sa pag-uusap namin ng aking kaibigan, merong mga bagay na matagal ko nang iniisip na nagawan ko ng kongkretong plano sa tulong ng inspirasyon mula sa aming pag-uusap. Hindi ko na muna isisiwilat kung ano ang mga iyon sa takot na baka mabulilyaso pa. Mapamahiin kasi akong tao pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa goals, plano, at mga pangarap.

Bago ako makarating sa Malaysia, ang tanging pinangarap ko lang ay yumaman. Handa akong gawin kung ano ang sa tingin ko ay nararapat para lamang makamit ito. Hindi parin ito nagbabago. Subalit, dahil sa dami ng oras ko rito para mag-isip at magbasa ng kung anu-ano at makipag-usap sa kung sinu-sinong tao, meron akong mga napagtanto.

Kaya ko gustong yumaman dahil ayaw kong danasin habang ako'y nabubuhay kung ano man ang dinaranas ko ngayon. Saka na ang buong detalye kapag mayaman na talaga ako para mas maganda ang kwento. Gusto ko ring yumaman para makapagtapos ang mga kapatid ko sa kursong gusto nila. At panghuli, kaya ko gustong yumaman para makapagtayo ng kung anu-anong negosyo at makabili ng mga lupain.

Wala parin namang nagbago. Sa pagyaman ko, ito ang gusto kong gawin muna. Pero hindi pala sapat para sa akin ang mga ganitong hangarin lamang. Napakababaw para sa isang taong hinubog ng sari-saring ideolohiya ng Unibersidad ng Pilipinas.

Meron pa akong gustong gawin maliban sa mga ito. At ito ang dagdag pang bala para mas itulak ko pa ang sarili patungo sa gusto kong marating.

Ito ang magiging dahilan kung bakit manonood ako ng mga pelikulang hindi naman ako masyadong interesado, magbabasa ng iba pang mga aklat maliban sa kasalukuyan kong binabasa, at mag-iinternet hindi lamang para makapag-Facebook.

Ngayon ko lang nadama ang ganitong uri ng motibasyon. Makeso man kung pakinggan pero ito na yata ang apoy na matagal ko nang hinahanap. Kung saan-saan pa kasi ako naghanap ng posporo.

0 comments: